NAARESTO NG CIDU AT DSOU NG QCPD ANG 2 NAMEMEKE NG PWDs ID

Arestado ang dalawang lalaki na guma­gawa ng pekeng identification card ng Persons with Disabilities (PWD) sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon­ City Police District (QCPD) Director, PBGen Redrico Maranan ang mga suspek na sina Deline Pacala Banaag, 27, ng Bagong Silangan, Quezon City, at Jaywen Doctama Laurino, 24, ng Brgy. 176 Phase 8 Bagong Silang, Caloocan.

Batay sa imbestigasyon bandang alas-12:30 ng hapon noong Abril 8, inireklamo ni Arnold Delicio Cabral ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO), sa CIDU ang pagtaas ng bilang ng mga pekeng QCitizen IDs PWD na nakumpiska ng kanilang opisina mula sa ilang kliyente.

Matapos na makatanggap ng impormasyon laban sa mga suspek, agad nagkasa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa pamumuno ni PMaj. Don Don Llapitan, at District Special Operations Unit (DSOU) sa ilalim ng PMAJ Wilfredo Taran Jr.

Sa koordinasyon sa Caloocan City Police Station ay naaresto ang mga suspek sa Santo Nino de Bagong Silang, Phase 1 Brgy. 176 Bagong Silang, Caloocan City.

Nakumpiska sa kanila ang limang piraso ng pekeng QCitizen ID Card para sa mga PWD, dalawang cellular phone, isang  black coin purse, susi ng motorsiklo, at isang  unit na Yamaha Gravis.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Article 172 o the Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents in relation to R.A 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

CALOY CARLOS – HN NEWS CORRESPONDENT

Leave a comment