NAPALUHA SI MAYOR HONEY LACUNA SA PAGPAPASINAYA NG DR. ALBERT ELEMENTARY SCHOOL

Napaluha si Manila Mayor Honey Lacuna nang pangunahan ang pormal na inagurasyon ng newly-rehabilitated at fully-airconditioned na Dr. Alejandro Albert Elementary School (DDAES) sa Sampaloc, Maynila Lunes ng umaga.

Ito ay nang sorpresang mabatid na ang gymnasium ng naturang paaralan ay ipinangalan sa kanyang yumaong ama na si dating Vice Mayor Danny Lacuna.

“What made this inauguration very special ay ang pagpapangalan sa tatay ko. Kaya pala lahat ng kapatid ko, nanay ko, nandirito,” ayon sa alkalde, na nasorpresa rin umano sa pagdalo ng kanyang inang si Melanie ‘Inday’ Honrado-Lacuna at kanyang mga kapatid sa nasabing inagurasyon, gayung hindi naman umano nila ito karaniwang ginagawa sa mga iba pang events ng pamahalaang-lungsod.

Bukod naman sa mga kaanak ng alkalde, dumalo rin sa inagurasyon sina dating Manila Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Yul Servo, City Engineer Armand Andres, City Architect Pepito Balmoris at City Electrician Randy Sadac, fourth district councilors at mga barangay at school officials.

Ayon kay Lacuna, isang malaking hamon para sa mga guro na tapatan ng husay sa pagtuturo sa kanilang mga mag-aaral ang ganda ng kanilang bagong-gawang paaralan.

“Isang hamon sa mga gurong narito… kung ano ang ganda ng gusali, dapat ganun din kaganda ang edukasyon na ibibigay natin sa ating mga mag-aaral lalo na kung elementary,” aniya pa.

“Ang paaralan ang pangalawang tahanan ng mga mag-aaral at ang mga guro ang mga pangalawang magulang ng mag-aaral. In fact, baka mas matagal pa sa loob ng paarlaan ang mga bata kesa sa loob ng tahanan…ano ba naman ang isang magandang gusali kung di naman tutumbasan ng magandang edukasyon?,” dagdag pa nito.

Samantala, pinuri at pinasalamatan rin ni Lacuna si Moreno na sa ilalim ng kanyang administrasyon ay nasimulan ang pagpapaayos at pagpapaganda ng naturang paaralan, bilang pagtupad sa kanyang mga pangarap.

Aniya, “Iba talaga pag me pangarap na bawat Manilenyo ay mabigyan ng magandang edukasyon. Nagsisimula sa magandang pasilidad kasi me looking forward ang mga guro at mag-aaral na pasukan ang paaralan na di lang maganda kundi kaaya-aya ding mabigyan ng de kalidad na edukasyon ang mga mag-aaral.”

Mapalad umano ang mga mag-aaral dahil katabi lamang nila ang Dapitan Sports Complex, at sinabi na umano niya kay Engineer Andres na maglagay ng gate doon.

“Sabi ko, lagyan na ng gate para me lagusan papunta sa Dapitan swimming pool. Ang swerte ninyo dahil katabi nyo ang complex… maglalagay lang ng access. malay n’yo, baka maging sentro pa ito ng lahat ng sports activities,” ani Lacuna.

Pinasalamatan din ni Lacuna ang mga construction workers na aniya ay nagtrabaho sa kabila ng banta ng COVID para lamang matapos ang nasabing gusali.

BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment