PINAGBANTAANG ITUTUMBA NG ‘DI PA NATUTUKOY NA GRUPO ANG MAYOR NG MULANAY, QUEZON NA ANAK NI DATING DOJ SEC. VITALIANO AGUIRRE DAHIL UMANO SA KANILANG MGA ATRASO SA BAYAN

Pinagbantaan ng hindi pa natutukoy na grupo ang anak ni dating Secretary Vitaliano Aguirre na alkalde ngayon ng Mulanay,Quezon at asawa nito na itutumba dahil umano sa kanilang mga atraso sa bayan at mga mahihirap.

Ayon sa Mulanay police, nangyari ang pagbabanta noong nakaraang buwan pero noong Lunes lang nagreport sa pulisya sina Mulanay Mayor Aristotle Aguirre at asawang si Rose Anne.

Lumitaw sa imbestigasyon na nakalagay sa isang envelope ang sulat ng pagbabanta sa mag-asawa na iniwan sa pinto ng Kamhantik Hotel na pag-aari ng pamilya Aguirre.

Nakalagay umano sa sulat na kasama ang mag-asawa sa listahan ng sisingilin ng kanilang grupo.

KAMI NA NABIBILANG SA LIPING API NG LIPUNAN AY NAG PAPAALALA SAYO NA IKAW AT ANG IYONG ASAWA MAYOR ARIS AGUIRRE AY NASA LISTAHAN NAMIN UPANG SINGILIN SA MGA ATRASO NINYO SA BAYAN AT SA AMING MGA LIPING MAGLULUPA. HINDI KAMI TITIGIL HANGGANG HINDI NAMIN KAYO NASISINGIL SA MGA KASALANANG ITO. MGA LIPING API.” ayon sa nilalaman ng sulat.

Wala pang pahayag ang pamilya Aguirre tungkol sa insidente pero pinaiimbestigahan na nila ito sa pulisya.

ANGHEL MIDRERO – HN NEWS CORRESPONDENT

Leave a comment