“Pastor, ginawa ko na po lahat dumulog na lang kayo sa Korte Suprema”- SEN. ROBIN PADILLA

Pinayuhan ni Senador Robin Padilla si Pastor Apollo C. Quiboloy na dumulog sa Korte Suprema laban sa ipinalabas na warrant of arrest matapos patuloy nitong balewalain ang subpoena ng Senado na dumalo sa isinasagawang pagdinig sa akusasyon ng sexual abuse, human trafficking at money laundering.

Sa pahayag, sinabi ni Padilla na wala nang ibang alternatibong pamamaraang legal kay Quiboloy kundi dumalog sa Supreme Court sa pamamagitan ng petisyon na umaapela sa kanyang pag-aresto.

Ipinalabas ito ni Padilla matapos lagdaan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang warrant of arrest alinsunod sa kahilingan ni Senador Risa Hontiveros na nag-iimbestiga sa naturang paratang laban kay Quiboloy.

Napaso din ang 48 oras na palugit ng Senado sa ipinalabas na show cause order kung bakit hindi kakasuhan ng contempt si Quiboloy na hindi tinanggap ni Hontiveros ang litanya ng palusot ng lider ng Kingdom of Jesus Christ.

Sinubukan din ni Padilla na harangin ang pagpapalabas ng warrant of arrest matapos nitong kuwestiyunin ang contempt na ipinataw kay Quiboloy sa pamamagitan ng pangangalap ng lagda upang maibasura ang naturang mosyon.

Kailangan ng walong pirma sa mosyon na naglalayong harangin ang contempt charges ngunit umabot lamang sa apat na senador kasama siya ang nakuhang kakampi sa Senado matapos umatras si Senador JV Ejercito.

“Ginawa po ng opisina ko ang lahat ng nasa rules at procedure ng Senate para mapangalagaan ang karapatan ni Pastor Quiboloy. Nagdesisyon na po ang chairman ng komite at inaksyunan na rin po ni Senate President Zubiri ang pag-issue ng warrant of arrest,” ayon kay Padilla sa text message sa reporters.

“Ang nakikita ko po na legal na alternatibo para kay Pastor Quiboloy ay idulog po ito sa Supreme Court,” aniya.

Sa kanyang paglagda sa warrant of arrest, sinabi ni Zubiri na ipinalabas ang warrant of arrest upang tuparin ang mandato ng komite na magsagawa ng imbestigasyon sa anumang panukala sa paglikha ng panibagong batas.

Hanggang isinusulat ang balitang ito, hindi pa sumusuko o nagbibigay ng anumang personal na pahayag si Quiboloy.

CALOY CARLOS – HN NEWS CORRESPONDENT

Leave a comment