LAGOT RAW SA BIR ANG MGA INFLUENCER AT ONLINE SELLERS

Muling nagpaalala ang Bureau of Internal Reve­nue (BIR) sa mga taxpayer, kabilang ang mga social media influencer at online seller, na magba­yad ng buwis upang hindi makasuhan ng gobyerno.

Ginawa ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ang paalala dahil sa nalalapit na deadline sa pagsusumite ng income tax return (ITR) sa Abril 15, 2024.

Ayon sa BIR chief, habang papalapit ang deadline sa paghahain ng ITR ay naging masigasig sila sa public information tungkol sa tamang pagbabayad ng buwis.

Pero may mga tao aniya na sadyang intensyon na hindi magbayad ng buwis kaya nagiging sakit ng ulo ito ng BIR.

“‘Yong intensiyon nila na mandaya sa pagbaba­yad ng buwis, marami po iyan. Pinapahirapan po tayo niyan kasi hindi natin nakokolekta ang mga buwis na dapat napupunta sa kaban ng bayan,” ani Lumagui sa isang radio interview.

Aniya, patuloy rin ang pakikipag-ugnayan nila sa mga online selling platform, influencer at mga asosasyon na kaila­ngan nilang magrehistro sa BIR at magbayad ng kaukulang buwis mula sa kinikita nila sa online na negosyo.

“Kung hindi nila gagawin ito ay siyempre, mae-expose sila sa penalties at saka bukod pa diyan ay puwede rin silang masampahan din ng tax evasion dahil kinakailangan din silang magbayad ng buwis,” diin ni Lumagui.

“Ang general rule kasi kapag nagnenegosyo ka, kumikita ka, generally ay kailangan mong magba­yad ng buwis. So gusto natin pantay-pantay iyan,” dagdag pa ng BIR chief.

Taong 2021, sinimulan ng BIR ang paghahabol sa 250 social media influencer na kumikita ng milyong-milyong piso sa kanilang mga vlog at social media post.

MICHAEL DINGLASAN – HN INVESTIGATIVE REPORTER

Leave a comment