NAG-KOMEDYA NA SI ANA JALANDONI MULA SA MGA SEXY ROLES SA BAGO NIYANG PELIKULA 

Panibagong hamon sa kakayahan ni Ana Jalandoni ang kanyang role sa pelikulang “Otoko Oona” na idinirek ng Palanca-award winning director na si Njel de Mesa.

“First time kong gumanap ng ganitong klaseng role. Manyak na lalaki ako rito na nagkatawang babae,” aniya. “Dahil sa kamanyakan at pagiging babaero ni Lazlo, kinarma iyong karakter ko kaya’t siya ay sinumpa na magkatawang babae. Tapos sa kuwento, kailangang may tunay na magmahal sa akin para mawala iyong sumpa,” dugtong niya.

Co-producer din siya sa nasabing obra ni Direk Njel.

“Gusto ko namang mag-venture sa kakaibang projects kaya noong ipinitch sa akin talagang na-excite ako,” paliwanag niya.

Timing din daw na kinunan ang pelikula sa kasagsagan ng Sakura o Cherry Blossom season sa Japan.

“Nakadagdag siya sa aesthetic feel ng pelikula. Proud din ako at sobrang happy sa resulta ng proyekto namin ni Direk. Ambilis niya kasi kumilos at gumawa ng pelikula. At nung nagshushooting kami para kaming naka-bakasyon lang dahil ang chill lang ng shoot—may time pa kaming mamasyal,” pahayag niya.

Puring-puri naman ni Direk Njel si Ana na masusubukan ang versatility sa kanyang pagiging komedyante.

“Naisip ko na pagkakataon ni Ana ipakita ang kanyang mahusay na comedy acting skills”, ani Direk Njel.  “Inaasahan ng mga manunuod na sadyang nakakatawa ito dahil ibang Ana Jalandoni ang makikita sa pelikula—na madalas lamang ay nakikitang gumaganap sa iba’t ibang sexy roles,” pahabol niya.

Dahil balitang balita ang pagsali ng mga pelikula ni Direk Njel de Mesa sa iba’t ibang international Film Festivals sa buong mundo, inaasahan naman niya na magiging maganda rin ang pagtanggap ng international film community at film aficionados sa kanyang pinakabagong obra.

Sadyang napakalaking pelikula ng “Otoko Oona” (Nihonggo na salita para sa “Lalake at Babae”), hindi lang dahil nagshooting sila sa Japan kundi dahil malaki rin ang cast na itinatampok: sina Kazuo Nawa (Gimik), Princess Lerio, Art Orbista, at marami pang iba.

May special participation din ang “Muse of Philippine Cinema” na si Arci Muñoz.

Kakababalik pa lamang nila mula sa kanilang principal photography ngunit asahan daw natin na mapapanuod din ang trailer ng “Otoko Oona” sa darating na Jinseo Arigato International Film Festival sa Japan ngayong May 25-26, 2024.

Kasali rin ang pelikulang “Manipula” nina Ana at Aljur Abrenica at pati na rin ang “Malditas in Maldives” na pinagbibidahan nina Arci Muñoz, Kiray Celis, at Janelle Tee sa nabanggit na filmfest.

MARU BOK – HN SHOWBIZ REPORTER

Leave a comment