DAHIL SA CCTV NAKILALA ANG DUMUKOT SA ISANG LALAKE SA LIPA CITY, BATANGAS

Naglatag ng manhunt at search operation ang mga tauhan ng Lipa City Police Station sa pagdukot sa isang lalaki April 17, 2024 sa Barangay Bugtong na Pulo, Lipa City, Batangas.

Kinilala ang biktima na si Nestor Liwanag, 41 anyos, ng Purok B, Barangay Santiago, Malvar, Batangas.

Base sa ipinadalang report ng Lipa City Police Station kay Batangas Police Provincial Director, Colonel Samson B. Belmonte, nagtungo sa kanilang istasyon noong Miyerkules, April 24, 2024, sina Mary Grace Liwanag, 36, kapatid na babae; at ang dating live partner ng biktima na si Salvacion Magalona, 43. Base sa salaysay ng mga ito, umalis ng kanilang bahay si Nestor, na nakasuot ng jacket na kulay apple green, black short pants, tsinelas, at may mga tatoo sa kanyang katawan, sakay ng isang Rusi motorcycle 4:30 ng hapon para makipagkita sa suspek na si Randy Diaz alyas “Randy”,43, ng Barangay Sabang, Lipa City.

Nakita sa CCTV footage ng Barangay Bugtong na Pulo na 4:40 ng hapon nang dukutin ang biktima, nakitang kinakaladkad ito ng tatlong kalalakihan kabilang si “Randy” at dalawang hindi pa kilalang lalaki at isinakay ito sa isang van na hindi naplakahan at nagtungo sa direksyon ng Malvar.

Nakatakdang sampahan ng kasong Kidnapping at Abduction sa korte ang mga suspek.

ANGHEL MIDRERO – HN NEWS CORRESPONDENT

Leave a comment