“Dapat mag-isip-isip si VP Sara matapos ang ‘bad shot’ statement ni FL Liza”- PRESIDENTIAL ADVISER LARRY GADON

Dapat umanong mag-isip-isip na si Vice President Sara Duterte at suriin ang kaniyang posisyon matapos sabihin ni First Lady Liza Araneta-Marcos na “bad shot” na ito sa kaniya.

Ito ang sinabi ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon kasabay ng kaniyang pakikisimpatya sa Unang Ginang na naiintindihan umano niya ang saloobin.

“Of course masakit talaga yun dahil unang-una si First Lady ay nakita niya kung paano ang hirap na ginagawa, ang sakripisyong ginagawa ni President Bongbong Marcos upang maisaayos ang ating mga suliranin, ang tinatahak nating mga challenges dito sa bansa and still merong mga tao na supposed to be ay kasama nila at nagko-cooperate sa kanila and tinatahak yung parehong direksyon ng gobyerno eh taliwas naman ang ginagawa,” sabi ni Gadon sa isang video.

“Siguro I would suggest na si Vice President Inday Sara, na kaibigan din natin at kasa-kasama ko sa campaign ay i-reexamine nya yung kanyang posisyon sapagkat the Vice President should be one with the President in facing the challenges of our country,” dagdag pa nito.

Matatandaan na dumalo si VP Duterte sa isang prayer rally na nagpapakita ng suporta kay Pastor Apollo Quiboloy sa Maynila, na naging isang pagtitipon laban sa Pangulo.

“Talagang yung nangyari, marami pang mga instances na nakita natin na si VP Inday Sara ay nadadala doon sa mga nasa paligid niya na siguro ay kung anu-anong mga sinusulsol sa kanya,” sabi pa nito.

“Kilala ko naman si VP Inday na mahusay naman ang pag-iisip at siguro ay hindi lamang niya nare-reexamine kung ano dapat ang position nya sa mga bagay-bagay na yan,” dagdag pa ng presidential adviser.

Ipinunto rin ni Gadon na nakapaling ng Unang Ginang ang Pangulo noong panahon na bagsak na bagsak ang mga Marcos.

“Sa mga pangyayari ngayon nakikita niya na ginagawa naman ang lahat ng ating Presidente upang ang ating bansa ay mai-ahon at merong tao na dapat ay kasama niya sa pagbabangon ng ating bansa ay yun pa ang nakikita na tumataliwas dahil sa mga pangyayari, mga sulsol mga kung ano-anong mga plano ng ibang taong nasa paligid niya,” sabi pa ni Gadon.

BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment