NAKA-TIKIM NG TICKET NG MMDA ANG CONVOY NI CHAVIT SINGSON NG DUMAAN SA EDSA BUSWAY!

Naharang at natekitan ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang convoy ni dating Ilocos Sur governor Luis Chavit Singson matapos na dumaan sa EDSA busway nitong Lunes ng umaga, Abril 8.

Ayon kay Gabriel Go, Officer in Charge ng MMDA Special Operations Group Strike Force, nahuli ng ahensya ang dalawang sasakyan ni Singson. Ito ay ang armored vehicle niya kasama ang isa pang SUV.

Sakay si Singson ng kanyang armored vehicle nang tiketan ito ng MMDA.

Dahil dito ay pinatawan ng P5,000 multa ang convoy dahil sa pagdaan sa exclusive busway.

Humingi naman ng paumanhin si dating Ilocos Sur governor Luis Chavit Singson matapos matiketan ng mga tauhan ng MMDA.

Ani Singson, hindi sinasadya ang nangyari dahil nag-overtake umano ang driver niya pero hindi sa mismong bus lane. Sa kabila nito’y hindi naman daw dapat tularan ang nagawa nila.

Samantala, ipinaliwanag din ni Singson na walang plate number ang sasakyan niya dahil bagong gawa ito ng BMW (Baluarte Motor Works), isang armoring car solution company na pag-aari niya, pero kumpleto naman daw ito ng mga papeles.

Saludo si Singson sa mga tauhan ng MMDA dahil sa pagganap nang mahusay sa trabaho at pagtrato sa lahat nang pantay kaya magbibigay raw siya sa mga ito ng P100,000 reward bukod pa sa babayarang multa niya sa naging paglabag.

Mahigpit na ipinagbabawal na dumaan sa EDSA busway ang mga pribadong sasakyan.

BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment