PAKAKANTAHIN SA KAMARA SINA COL. ACIERTO, LASCAÑAS LABAN SA DRUG LORDS NA BESPREN NI DATING PANGULONG DUTERTE

Inimbitahan ng mga mambabatas ang high-profile whistleblowers laban sa madugong war on drugs ni dating Pangulo Rodrigo Duterte na dumalo sa House inquiry, sa pag-asang matukoy ang nasa likod ng nasamsam na bilyon-bilyong halaga ng shabu sa mga anti-drug operations sa Central Luzon.

Nitong Miyerkules, Mayo 22, inaprubahan ng House committee on dangerous drugs ang motion para padalhan ng imbitasyon ang umaming hitman ng Davao Death Squad (DDS) na retired police na si Arturo Lascañas, at dating anti-drug police official Colonel Eduardo Acierto.

Iniimbestigahan ng House ang multi-billion-pesos na halaga ng shabu na nasamsam sa Mabalacat, Pampanga at Subic Bay nitong nakaraang taon.

Una nang inimbitahan nitong Miyerkules ang dating presidential economic adviser ni Duterte na si Michael Yang pero hindi ito sumipot, dahilan para padalhan ito ng committee ng show-cause order.

Sa order na ito ay kailangan ni Yang na magpaliwanag kung bakit hindi siya dumating sa nakaraang pagdinig.

Ang pag-imbita ng House kina Lascañas at Acierto ay magiging sakit ng ulo nina Duterte at Yang dahil ang dalawang whistleblowers na ito ay matagal na silang isinasangkot sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa.

Sinabi ni Lascañas sa kanyang affidavit na ipinadala sa International Criminal Court (ICC) na si Duterte at kanyang businessmen friends ay mga “involved in the illegal drug trade,” pero sinasabing ito’y sa Davao City.

Inilahad niyang base sa kanyang “personal knowledge and experience” bilang Davao Death Squad member noong panahon ni Duterte bilang Davao City mayor, sinabi ni Lascañas na si Duterte ay “in partnership with Michael Yang and Sammy Uy” sa kalakalan ng iligal na droga.

Sa panig naman ni Acierto, sa kanyang inilatag na mga dokumento noong 2017 na nagdedetalye sa kaugnayan ni Yang at isa pang Chinese national na si Allan Lim sa mga iligal na droga.

Inakusahan din ni Acierto si Duterte at ang Philippine National Police sa pagbalewala sa kanyang intelligence report, sinabing ang dating presidente at ang PNP ay hinaharang ang pagdinig laban kay Yang.

Si Yang ay isinasangkot din sa mga anomalya sa mga suplay sa Covid-19 na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso matapos i-award ng Duterte administration sa Pharmally, isang maliit na kompanya na may kapital lamang na P625,00.

Nabatid na si Yang ay may kaugnayan sa Pharmally.

Sa unang pagkakataon simula nang ilunsad ang drug war noong 2016, ngayon lamang nagsagawa ang House ng imbestigasyon sa drug-related killings noong panahon ni Duterte bilang pangulo ng bansa.

Sa pagdinig na isinasagawa ng human rights panel noong Martes, May 21, ginisa ng mga mambabatas ang mga opisyal na nasa likod ng drug war, kabilang na si dating Justice Secretary ngayo’y Solicitor General Menardo Guevarra.

Ang isinasagawang imbestigasyon ng House ay nasa kainitan naman ng ICC probe sa drug war, kabilang na ang mga naging biktima ng DDS.

Hinihintay nalang ang sunod na hakbang ni ICC Prosecutor Karim Khan na mag-isyu ng warrant of arrest o summons laban sa mga akusado.

ANGHEL MIDRERO – HN NEWS CORRESPONDENT

Leave a comment