“Dapat tuldukan na ang pagdinig ukol sa PDEA leaks!”– REP. ACE BARBERS

Agaran ang panawagan para sa pagpapahinto ng isinasagawang pagdinig kaugnay ng kontrobersyal na “PDEA leaks” ng Senado.

Ito ang mariing panawagan ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers kay Senador “Bato” dela Rosa na dapat tuldukan na ang imbestigasyon ng kanyang panel ukol sa “PDEA leaks” at sa halip ay ituon sa mas mahalaga at importanteng mga bagay para sa taumbayan.

Diin ng mambabatas, sayang lamang ang oras, panahon, at pondo sa nasabing imbestigasyon dahil ang nag-iisang resource person ay napatunayan na sa maraming pagkakataon na halos kasinungalingan at gawa-gawa lamang ang kanyang mga pinagsasabi sa harap ng mga miembro ng komite.

Ayon kay Barbers, hindi na dapat hinayaan ni Dela Rosa ang kanyang komite na magamit ng walang-kuwentang PDEA agent na si Jonathan Morales na magbanggit ng mga kasinungalingan laban sa ilang personalidad kabilang na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

“Well, sa tingin ko, tapos na iyon (Senate hearing). Kasi ‘yung mga inimbita nilang mga resource persons, they were caught lying. And because they were lying, they were cited for contempt,” ani Barbers, na chairman din ng House Committee on Dangerous Drugs.

Nabatid na si Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ay nakapagsagawa na ng apat na pagdinig sa “PDEA leaks,” subalit ang mga opisyal na mismo ng PDEA ay pawang nagsasabi na ang mga akusasyon ni Morales laban sa Pangulo ay walang mga basehan at ito’y pawang gawa-gawa lamang.

Sa tanong na kung dapat bang humingi ng paumanhin si Dela Rosa kay Pangulong Bongbong Marcos, ang tugon ng mambabatas: “Well, bigyan natin si Sen. Bato ng pagkakataon na kung ano ang kanyang susunod na action.”

“Whether siya ay mag-a-apologize or hindi, nasa sa kanya po iyan,” saad ni Barbers.

CALOY CARLOS – HN NEWS CORRESPONDENT

Leave a comment