TILA BALIGTAD ANG GAMIT NA COMPASS O GADGET NG BEIJING AYON KAY SEN. FRANCIS TOLENTINO 

Nanindigan ang isang senador na walang karapatan ang China na manghuli sa West Philippine Sea (WPS) dahil napakalayo nito sa kanilang kalupaan para manghuli ng trespasser.

Giit ni Senador Francis Tolentino, ang Pilipinas ang may kapangyarihan na manghuli ng trespasser sa WPS at hindi ang China.

“Baligtad ang kanilang pananaw. Nakapirma sila sa lahat ng mga kasunduan patungkol dito na ‘yung pinakamalapit na dalampasigan, baybaying dagat, ‘yun po ang coastal state. Ang coastal state ang nagpapatupad ng batas at hindi ang flag state,” paliwanag ni Tolentino sa isang interview ng radio program.

“Tayo dapat ang magpatupad ng batas,” giit ng senador.

Hindi aniya maituturing na coastal state ang China dahil ang isla nilang Hainan ay napakalayo sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

“Gusto nila palabasin sila ang coastal state. Hindi po. Ang layo ng coast nila. Baka mali ang ginagamit nilang compass o gadget,” patutsada ni Tolentino.

Binanggit pa ng senador na sa ilalim ng UNCLOS, hindi puwedeng ikulong ang mga tripulante ng barko o bangka na pumapasok o trespassing sa teritor­yo ng ibang bansa.

Kapag hinuli ng China Coast Guard ang mga mangingisdang Pilipino sa WPS, sinabi ni Tolentino na puwedeng kasuhan ang China.

“Puwede tayong mag-file ng panibagong kaso sa ITLOS, ‘yung International Tribunal of the Law of the Sea,” giit ng senador.

IKE ENRIQUE – HN NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment