“Naipit ako sa away ng Marcos, Duterte”– SEN. MIGZ ZUBIRI 

Inilahad ni dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na naipit siya sa iringan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Iginiit ni Zubiri na wala siyang ginawang mali at naging patas lamang siya sa pagganap sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng Senado.

Sa tingin ni Zubiri, nag-umpisa ang isyu ng pagsibak sa kanya bilang Senate president nang labanan niya ang people’s initiative dahil batid niya na tatanggalin nito ang kapangyarihan ng Senado bilang institusyon.

“Talagang tumindig po ako kasama ng aking mga [kapwa] senador na labanan ‘yun. Naramdaman ko po after that, hindi ko rin sinunod ang timelines ng Cha-cha. Tapos bago mag-break nitong April may bantang tanggalin na ako nun. Hindi natuloy ‘yun,” saad niya sa panayam sa TV Patrol.

May kinalaman din umano siguro sa pagkatanggal niya sa puwesto ang pagpayag niya sa hearing sa maseselang isyu ng ilang kapwa senador.

“Fast forward dito naman sa hearings ni Bato, may nagkukuwento sa akin na may nagtatampo sa akin, may nagagalit sa akin, dapat patigilin ko na si Bato sa hearings,” ani Zubiri.

“Wala po sa aming kapangyarihan bilang Senate president na diktahan ko ang aking mga kasamahan,” dagdag pa niya.

Patuloy pa ni Zubiri, “As a matter of fact, ipit nga ako sa gitna eh. Sinabi ko nga ‘to sa hearing ni Senator Bato, on one side galit po ‘yung Duterte side sa akin dahil hinayaan ko po si Senator Risa Hontiveros na magkaroon ng hearing on Pastor Apollo Quiboloy. On the other side naman, galit na galit din sa akin ‘yung Marcos loyalists dahil hinahayaan ko si Senator Bato na magkaroon ng hearing dito sa PDEA leaks,” ani Zubiri.

Pagtatapos niya, “Matindi pong away na ‘yun ng Duterte and Marcos factions. I’m caught in between but I just did my job and I did it well. This is the consequences of my action.”

CALOY CARLOS – HN NEWS CORRESPONDENT

Leave a comment