NAARESTO NG BI SA CEBU ANG AUSTRALYANO NA GALAMAY NG SINDIKATO SA DROGA

Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Australian drug trafficker na hinihinalang miyembro ng kilalang Mexican Sinaloa drug cartel.

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang nahuli na pugante na si Gregor Johann Haas, 46-anyos, na inaresto noong Mayo 15 sa Bogo, Cebu ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI.

Sinabi ni Tansingco na si Haas ay nasa standing red notice ng Interpol dahil sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanya sa Indonesia.

Ang warrant of arrest laban kay Haas ay inilabas noong Enero 29 ng national narcotics board ng Indonesia na nagsampa ng kaso ng drug smuggling laban sa kanya.

Inakusahan ng mga awtoridad ng Indonesia si Haas, na umano’y may kaugnayan sa Sinaloa drug cartel, bilang nasa likod ng pagtatangkang magpuslit sa Indonesia noong Disyembre 11, 2023 ng isang shipment ng floor ceramics na puno ng higit sa 5 kilo ng ilegal na methamphetamine drug substance.

Ang mga droga ay nakuha ng mga awtoridad ng Indonesia na kalaunan ay natuklasan sa pamamagitan ng mga testimonya mula sa mga naarestong courier ng droga na ang mga pakete ay ipinadala ni Haas mula sa Guadalajara, Mexico.

Ang Australian ay isang high-profile fugitive dahil miyembro umano ito ng Sinaloa cartel, isang malaking international organized crime syndicate na nakabase sa Culiacan, Sinaloa, Mexico na dalubhasa sa drug trafficking at money laundering activities.

Nakakulong ngayon ang Australian sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings.

ATTY EDNA B. DEL MORAL

Leave a comment