GINISA SA KAMARA ANG MAYOR NG SAN SIMON NA SI ABUNDIO PUNSALAN JR SA MAANOMALYANG PAGBILI NG LUPA 

Iginisa ng mga mambabatas sa Kamara si San Simon, Pampanga Mayor Abundio Punsalan, Jr. kaugnay sa umano’y maanomalyang pagbili nito ng lupa para sa expansion ng municipal hall building.

Sa isinagawang pagdinig ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano, kinwestyon ng mga mambabatas ang pagbili ng lupa para sa expansion ng municipal hall, kabilang ang dati nang kalsada, daluyan ng tubig at mga lupain na pinag-aagawan at may nakabinbing mga kaso sa korte.

Nabatid na nabayaran na ang mga ito sa kabila nang walang balidong kontrata ng bilihan at rehistradong titulo ng lupa.

Pinuna rin ni SAGIP Party-list Rodante Marcoleta ang alkalde sa kanyang magkakaibang sagot hinggil sa pagbili ng naturang lupain.

Lumabas pa sa pagdinig na napatunayang guilty si Punsalas sa mga kasong dishonesty, grave misconduct in office, gross negligence in the performance of official duties, gross dereliction of duty at grave abuse of authority sa mga kasong administratibo na nakahain sa Sangguniang Panlalawigan.

Pinatawan rin umano itoi ng anim na buwang suspensyon mula Hulyo 10, 2021 hanggang Enero 10, 2022.

Nauna rito, naghain si Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes ng House Resolution No. 1503 na humihiling ng imbestigasyon sa kwestyunableng aksyon ng alkalde.

Noon namang September 2020, ilang residente ng San Simon ang naghain ng kaso laban kay Punsalan dahil sa umano’y iligal na paggamit nito ng pondo ng gobyerno na nagkakahalaga ng P45 milyon para sa pagbili ng ilang lupain na para sa expansion ng municipal hall.

“Kung kinakailangan gawin ay gagawin ko po. Gagawa po ako ng hakbang para maibalik po ang dapat maibalik,” sagot ni Punsalan kaugnay sa nabanggit na P45 milyon.

Napag-alaman pa na noong 2020, naghain din si Vice Mayor Leonora Won ng kasong graft laban kay Punsalan sa Office of the Ombudsman subalit wala pa itong inilalabas na anomang resolusyon.

IKE ENRIQUE – HN NEWS CONTRIBUTOR      

Leave a comment