INILATAG NA NG PNP ANG NATIONWIDE MANHUNT LABAN KAY QUIBOLOY!  

Mas pinalawak pa ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanap kay Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy.

Sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo na sa buong bansa na pinakilos ang tracking team laban kay Quiboloy.

Ayon kay Fajardo, bina-validate ng kanilang mga tracking teams ang impormasyon tungkol sa posibleng kinaroroonan ni Quiboloy at isa pang akusado.

Ani Fajardo, tuluy-tuloy ang pakipag-ugnayan ng tracker team sa mga kakilala, kaibigan at maging sa organisasyon ni Quiboloy upang  matukoy ang kilos nito.

Kinumpirma naman kahapon ni Justice Undersecretary Jose Dominic Clavano na nasa Pilipinas pa si Quiboloy na pinaghahanap din ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa mga kasong sex trafficking.

Tungkol naman sa hold departure order laban kay Quiboloy, sinabi ni Clavano na naghain na ang prosekusyon ng mosyon para rito.

Kasabay nito, sinabi ni Fajardo na inaasahan nilang mailalabas sa loob ng linggo ang pirmadong desisyon ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa rekomendasyon ng Firearms and Explosives Office (FEO) na bawiin ang License to Own and Posses Firearms (LTOPF) ni Quiboloy base sa kanyang kasong kinakaharap na isang Capital Offense.

Si Quiboloy ay may tatlong arrest warrant para sa kasong Child at Sexual Abuse na inilabas ng Davao City Regional Trial Court, at para sa kasong Human Trafficking na inisyu ng Pasig City Court.

MICHAEL DINGLASAN – HN INVESTIGATIVE REPORTER

Leave a comment