SINUSPINDE NG OMBUDSMAN ANG MAYOR NG SILANG CAVITE DAHIL SA KORAPSYON 

Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension laban kay Silang, Cavite Mayor Alston Kevin Anarna at sa isa pang opisyal nito sa loob ng anim na buwan nang walang sahod dahil sa umano’y anomalya sa pagbili ng mga bulaklak at iba pang materyales na ginamit sa kapistahan ng kanilang bayan.

Natanggap na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang kopya ng suspension order na may petsang Abril 12, 2024 subalit isinapubliko nito lamang Miyerkoles, Abril 24.

Bukod sa alkalde, sinuspinde rin ng Ombudsman ang Bids and Awards Committee (BAC) chairperson na si Nathaniel Anarna Jr.

Inatasan ang DILG chief na ipatupad kaagad ang suspension order na nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires.

Nagpasya ang Ombudsman na suspendihin ang dalawang opisyal batay na rin sa resulta ng pagsisiyasat kung saan malakas umano ang ebidensiya para sa mga kasong grave misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service laban sa dalawang opisyal.

Isinampa ng isang Edgardo Arenco Bayan ang reklamo at hiniling na suspendihin ng Ombudsman si Mayor Anarna at ang BAC chairperson matapos na akusahan ang mga ito ng maanomalya umanong pagbili ng mga bulaklak at string lights na ginamit sa Silangueño Ball na ginanap noong Enero 28, 2023 kaugnay ng kapistahan ng kanilang bayan.

Nangyari umano ang pagbili ng mga naturang items pagkatapos na ng event na isang paglabag sa Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act at ang 2016 Revised Implementing Rules and Regulations.

Nabatid na binili umano ang mga materyales sa Badeth General Merchandise.

CALOY CARLOS – HN NEWS CORRESPONDENT

Leave a comment