NASAMSAM NG MGA AWTORIDAD SA NI-RAID NA MILK TEA SHOP ANG P24.6 MILYONG VAPE FLAVOR

Sinalakay ng mga awtoridad ang isang tindahan na front ang milk tea sa pagbebenta ng iligal na vape flavor products, malapit sa isang paaralan sa Baclaran, Parañaque City, nitong Martes, Abril 23.

Nasamsam sa isinagawang raid sa milk teas shop na matatagpuan sa No. 3504 Pinaglabanan St., Baclaran ng Department of Trade and Industry (DTI) Fair Trade Enforcement Bureau at ng Southern Police District (SPD) ang 452 na kahon ng mga bawal vape na nagkakahalaga ng P24.6 milyon, alinsunod sa Republic Act 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.

Mag-asawang Chinese nationals ang nakatakdang sampahan ng patung-patong na reklamo.

Sa paglabag sa RA 11900, bukod pa sa kawalan ng license at permit mula sa lokal na pamahalaan at sa nakasasakop na barangay.

Ayon kay DTI Consumer Protection Group Assistant Secretary Amanda Nograles, nilabag din ng mag-asawang dayuhan ang umiiral na pagbabawal sa 20 metrong radius na distansya sa paaralan dahil malapit lang ang milk tea shop sa Baclaran Elementary School.

Ipinasara na ang tindahan at nakikipag-ugnayan na rin ang DTI sa Bureau of Immigration (BI) kung legal ang pananatili sa bansa.

Nabatid na ang mga nakumpiskang produkto ay may flavor na mga prutas tulad ng grape, cappuccino, mango at water melon na nakaka-engganyo sa mga bata.

Nitong Marso 15, iniutos ng DTI, sa pamamagitan ng Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB), ang pagsuspinde sa pagbebenta, pagmamanupaktura, pag-import, at pamamahagi ng mga produktong vape ng Flava Corporation.

BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment