PINAIIMBESTIGAHAN NI PBBM KUNG MAY MGA PULIS AT MGA POLITIKONG KASANGKOT SA NASABAT NA MALAKING BULTO NG SHABU SA BATANGAS

Pinaiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung mayroong mga politiko o pulis na sangkot sa nasabat na P13.3 billion halaga ng shabu ng mga awtoridad sa Barangay Pinagkrusan, Alitagtag, Batangas.

Personal na nagtungo sa lugar ang Pangulo nitong Martes ng umaga at ininspeksyon ang nasabat na bulto ng shabu na aniya ay pinakamalaking huli ng mga awtoridad na umabot sa 1.8 tons.

Nais ng Presidente na matukoy kung sino ang nasa likod ng malaking huli kaya ipinauubaya niya sa Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement at iba pang ahensya ang pag-iimbestiga.

“Kahit sino man ang kasabwat dito sa drug trade, kahit powerful politician police or kung sino man ay talagang pinaiimbestigahan natin,” saad ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na nasuri na ang nasamsam na shabu at lumitaw na napakataas ang kalidad nito.

Inaalam na aniya ng mga awtoridad kung saan nanggaling, saan idinaan at saan isinakay at kung sino ang mga nasa likod ng tangkang pagpupuslit sa shipment shabu.

May hinala ang Pangulo na galing sa ibang bansa ang nakumpiskang shabu at sa Pilipinas lamang idinaan kaya interesado siyang malaman kung sino ang mga kasabwat ng sindikato sa bansa.

Ipinagpasalamat ni Pangulong Marcos Jr. na walang nagbuwis ng buhay sa operasyon ng pinakamalaking huli ng shabu sa bansa.

“We would like also to point out that this is the biggest shipment of shabu na nahuli natin but not one pwrson died. Walang namatay, walang nagputukan, walang nasaktan. Basta’t inoperate natin na dahan-dahan yun namam dapat ang approach sa drug war,” dagdag ng Pangulo.

MICHAEL DINGLASAN – HN INVESTIGATIVE REPORTER

Leave a comment