“Manipis ang tiyansa na makalusot ang ROTC bill sa Senado”– SEN. BATO DELA ROSA

Malaki ang paniniwala ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na aaprubahan ng Senado ang mandatoryong Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) ngunit sobrang manipis na tiyansa lamang.

“My own personal estimate is that we will win by [a] slim margin. Kung magkakabotohan ha, we will win by a slim margin… majority pero ang margin very slim, “ ayon kay Dela Rosa sa phone interview.

Sinabi ni Dela Rosa na hiniling nito na muling ipagpatuloy ang debate sa SB 2304 na kanyang sinusuportahan ang pagbabalik ng ROTC program at palagi nitong mino-monitor ang update sa kalagayan ng panukala.

“Kinausap ko si [Senate President Migz Zubiri] na sana ma-calendar na ‘yan pagbalik namin [from the session break] para ‘yun nga, may resulta na, whether gusto man natin o hindi. Kasi ako ang kinukulit ng taumbayan, ng mga pro-ROTC. Kinukulit nila ako kung bakit hindi pa lumabas ‘yung batas na yan. So sabi ko kay [Senate President] baka pwedeng i-tackle na natin,” aniya.

Naunang inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kanyang bibigyan ng prayoridad ang debate sa Bill 2034 sa Mayo.

Nasa ikalawang pagbasa ang Mandatory ROTC Bill (Senate Bill 2034) na nagkaroon ng huling interpelasyon nitong Setyembre 25, 2023.

Nakatakda sa panukala na isasailalim ang lahat ng estudyante na naka-enroll sa hindi hihigit sa two-year undergraduate degree, diploma, o certificate programs sa HEIs at TVIs, sa ROTC program na gagawin sa loob ng apat na semestre.

Sakaling hindi makapagtapos ng ROTC program ang sinumang estudyante, hindi ito makaga-graduate.

Mahaharap naman ang lahat ng paaralan sa parusang disiplinaryo at administratibo kapag nabigong ipatupad ang ROTC mula Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority.

Isang specialized program ang lilikhain para sa estudyante na klasipikadong persons with disabilities, kabilang ang sinuman na may relihiyong ipagbabawal ang paghawak ng armas.

Lilikhain ng Department of National Defense,CHED, at TESDA ang Basic ROTC Program Curriculum, sa pakikipag-ugnayan sa ilang ahensya ng pamahalaan kabilang ang asosasyon ng paaralan.

Ibinasura ang mandatory ROTC program noong 2002 matapos maipasa ang Republic Act 9163, na lumikha sa NSTP (National Service Training Program).

ATTY. EDNA DEL MORAL

Leave a comment