ARESTADO SA CARNAPPING ANG 4 NA MENOR-DE-EDAD SA LAS PIÑAS CITY

Arestado ang apat na menor de edad dahil sa umano’y pagnanakaw ng motorsiklo sa Imus City, Cavite noong Huwebes, Abril 11.

Ayon sa Imus Police, may edad na 16 hanggang 17 ang mga nadakip na kabataan na mula sa Las Piñas City.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-8:30 ng gabi noong Abril 10, iginarahe ng biktima ang motorsiklo sa kanyang bahay pero nang tingnan niya kinabukasan ng umaga, nawawala na ito.

Isang concerned citizen naman ang nag-report sa barangay tungkol sa mga kahina-hinalang indibiduwal na gumagala sa kalye, na nag-udyok sa mga tanod na magsagawa ng pagpapatrulya.

Nang parahin ng mga tanod ang isang motorsiklo, nawalan ng kontrol at bumagsak sa kalsada ang mga sakay na suspek.

Nang beripikahin ng mga tanod ang mga dokumento ng motorsiklo, agad silang nakipag-ugnayan sa may-ari upang tanungin kung nanakaw ba ang kanyang motorsiklo.

Inaresto ng mga tanod ang mga suspek nang makumpirmang nawawala ang motorsiklo ng biktima.

Sinuri ang mga kuha ng CCTV sa barangay at bandang alas-2:50 ng madaling-araw ng Abril 11, nakita ang mga suspek na gumagala sa kalye kasama ang ninakaw na motorsiklo.

Naibalik sa biktima ang kanyang motorsiklo habang ang mga suspek ay dinala sa Imus Component City Police Station para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa Office of the Provincial Prosecutor.

ARVIN SORIANO (Ll.B) – HN NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment