WALANG PALAKASAN ANG MARIING SINABI NI DILG SEC. ABALOS JR SA PAGKAKAHULI NG PAMANGKIN SA ANTI-COLORUM OPERATION! 

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. nitong Biyernes na walang sinasanto ang laban ng pamahalaan sa ilegal na aktibidad matapos maaresto ang isang babae na nagsabing pamangkin siya ng opisyal, sa isang anti-colorum operation sa Quezon City.

Ani Abalos, ipinagbigay-alam sa kanya ang kaso ng isang nagngangalang “Jaz Abalos” na nagpakilalang kamag-anak ng DILG chief upang makalusot sa kalaboso matapos mahuling nag-ooperate ng colorum o unauthorized passenger van sa Cubao nitong Huwebes.

“Noong naririnig ko na may gumagamit ng pangalan na kamag-anak ko raw, I told my personal security hulihin niyo ito,” wika ni Abalos.

Ayon kay Abalos, sinita ng composite team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), DILG, at Department of Transportation (DOTr) ang colorum vehicles sa Cubao, kabilang ang van na may plakang DAY 1423 na minamaneho ang isang nagngangalang Antonio Mirasol.

Nadakip si Mirasol ng mga awtoridad matapos mag-presenta ng pekeng driver’s license, base sa DILG.

Dahil dito, personal na nagtungo si Jaz sa MMDA office sa Pasig City upang aregluhin ang isyu ng pagkakahuli sa van, na ayon sa DILG ay pinangangasiwaan niya.

Base sa MMDA, kinilala si Jaz ng isa sa mga miyembro ng pamilya Abalos “through her photo and name”.

Samantala, hindi naman kinumpirma ni Abalos kung pamangkin nga niya ang babae.

Gayundin, iginiit ng Interior secretary na hindi rason ang pagiging kaanak upang takasan ang responsibilidad.

“Pagdating sa ganyang kalokahan, dito wala kang pinipili, dapat lahat hulihin mo. ‘Pag nagsabing kamag-anak mo, o kaibigan mo, walang mangyayari sa bansa natin kung puro palakasan,” pagbibigay-diin ng DILG chief.

“The intensified operations against colorum PUVs is the start of our response to the President’s order to hit hard on their illegal operations and ensure that they will be weeded out entirely in our roads in support of legitimate transport operators and the riding public who are at risk when patronizing these kind of PUVs,” sabi pa ni Abalos.

Kapwa nahaharap sina “Jaz” at Mirasol sa kasong falsification of public documents with conspiracy, estafa, resistance and disobedience, at light threat.

CALOY CARLOS – HN NEWS CORRESPONDENT

Leave a comment