TINAPYAS ANG 2 TENGA NG SHIH TZU NG WALANG MANAKAW ANG MGA KAWATAN! 

Dalawang may lahing aso ang pinutulan ng tenga ng hindi nakilalang lalaking hinihinalang kawatan sa Brgy. 8, Bagumbayan, Legazpi City nitong Huwebes.

Ayon sa may-ari ng bahay na si Maris Icleo Aguilar, umalis silang lahat ng bahay dakong umaga at bumalik din kaagad ala-1:00 ng hapon nang makita nilang nanghihina at duguan ang kanilang dalawang alagang asong Liverline Shih Tzu.

Nang kanilang suriin, natuklasan nila na pinutulan ito ng tenga ng taong hinihinala nilang pumasok sa kanilang bahay habang sila ay wala doon.

Ayon dito, isang tenga ang pinutol sa isa nilang alaga samantalang dalawang tenga naman ang inalis sa ikalawang aso na parehong may edad na 10 buwan pa lamang.

Hinala ni Aguilar, may pumasok sa kanilang bahay dahil sa mga nakitang bakas ng naputol na kahoy, mga dahon at buhangin sa kanilang bubong.

Ayon pa dito, maaaring umano nagtangkang magnakaw ang salarin at nang walang makuhang gamit ay napagdiskitahan ang kanyang mga alaga.

Maghaharap ng reklamo sa pulisya si Aguilar at naghahanap na rin ng CCTV footage upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.

ANGHEL MIDRERO – HN NEWS CORRESPONDENT

Leave a comment