ARESTADO ANG ISANG PUSHER NA NAKUMPISKAHAN NG BARIL AT SHABU SA TAGUIG

Arestado ng mga miyembro ng Taguig City police Sub-station 8 ang isang di-umanoý pusher matapos itong makuhanan ng baril at mahigit P57,000 halaga ng shabu Biyernes ng hapon, Hunyo 21.

Sa report ng Taguig City police sa Southern Police District (SPD) ay nakilala ang inarestong suspect na si alyas Mark, 30.

Dinakip ng mga tauhan ng Sub-station 8 ang suspect dakong alas 3:50 ng hapon sa Purok 14 Lakefront, Barangay South Daang Hari, Taguig City.

Ayon sa SPD, nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ng Barangay South Daang Hari ang Sub-station 8 tingkol sa isang indibidwal na mayroong dalang baril sa nabanggit na lugar.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sub-station 8 sa lugar kung saan inabutan nila ang suspect na positibong armado ng kalibre .22 rebolber na kargado ng apat na bala.

Sa patuloy na pagsasaliksik sa suspect ay nakuhanan pa ito ng tatlong transparent plastic sachets na naglalaman ng 8.47 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P57,596.

Ang nakumpiskang ilegal na droga ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis habang ang narekober namang baril ay isinumite sa SPD Crime Laboratory para sa ballistic examination.

Si alyas Mark ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Taguig CPS kung saan nahaharap ito sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Taguig City Prosecutor’s Office.

ANGHEL MIDRERO – NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment