NABISTO ANG CHINESE ARMY UNIFORM SA PAMPANGA HUB 

Ilang piraso ng umano’y Chinese military uniform ang nadiskubre ng searching team sa ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa mga istraktura sa loob ng scam farm sa Porac, Pampanga kahapon nang umaga.

Natuklasan ang mga military uniform sa isang kuwarto sa 3rd floor sa Building 11.

May mga inisyal na P.L.A. ang mga butones ng uniporme na ayon sa mga awtoridad ay maaaring tumutukoy sa People’s Liberation Army (PLA), ang armadong organisasyon ng Chinese Communist Party (CCP) at pangunahing puwersang militar ng People’s Republic of China.

Gayunman, hindi pa ito opisyal na nakukumpirma ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP spokesperson P/Col. Jean Fajardo, premature pa para kumpirmahin nilang mga Chinese military uniform ang natagpuan sa lugar dahil wala pa silang sapat na katibayan. Magsisiyasat pa aniya ang pulisya para kumpirmahin ito sa mga unipormeng ginagamit ng militar sa ibang mga bansa.

Bukod sa mga reklamong scamming, kidnapping at human trafficking, ginagamit umano sa iba pang krimen ang mga pasilidad sa loob ng 10-ektaryang compound tulad ng sex trafficking at torture,

Samantala, sinibak na sa puwesto ang hepe ng Pampanga PPO na si P/Col. Levi Hope Basilio habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.

Ayon kay Fajardo, nagdesisyon si Regional Director PBGen. Kose Hidalgo Jr. na alisin muna sa puwesto si Basilio para bigyang daan ang ginagawang imbestigasyon.

Matatandaang una ng sinibak sa puwesto ang hepe Porac Municipal Police Station para mabura ang anumang hinala ng publiko na magkakaroon ng pagtatakip sa ginagawang imbestigasyon.

Tintingnan din ng PNP kung nagkaroon ng kapabayaan ang lokal na pulisya sa pagpapanatili ng peace and order sa kanilang area.

Iniimbestigahan din kung bakit hindi agad nalaman ng Porac police ang operasyon ng scam farm sa lugar.

ANGHEL MIDRERO – NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment