“Mapanganib ang Taal vog kelangan mag-face mask”- PHIVOLCS

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa panganib na dulot ng patuloy na pagbubuga ng asupre ng Bulkang Taal sa Batangas kaya pinayuhan nito ang publiko na magsuot ng face mask.

Sa panayam ng dzBB, sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na maaaring mabuo at maging vog ang sulfur dioxide na ibinubuga ng bulkan at mapanganib ito para sa kalusugan ng mga tao.

Payo pa ni Bacolcol sa publiko, lalo na aniya ang mga namamasyal sa Tagaytay na magsuot ng face mask.

Samantala, base sa 24 oras na pagmamanman ng Phivolcs sa mga aktibidad ng Bulkang Taal ay nakapagtala lamang ito ng isang volcanic earthquake.

Pero patuloy umano ang pagbuga ng asupre ng bulkan na mahigit 11,000 tonelada kada araw.

Sabi ng Phivolcs, may upwelling ng mainit na volcanic fluids sa main crater lake at nagdudulot ito ng vog.

Mahigpit pa rin ang rekomendasyon ng ahensiya na bawal pumasok sa Taal Volcano Island lalo na sa main crater nito at sa Daang Kastila fissures gayundin ang pamamalagi sa Taal Lake.

Hindi rin ligtas para sa mga sasakyang panghimpapawid ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan.

Babala ng Phivolcs na anumang oras ay maaaring magkaroon ng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions ang Bulkang Taal, volcanic earthquakes, pagbuga ng manipis na ashfall, at pag-ipon at pagbuga ng mga nakalalasong gas.

BECCA DANTES – NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment