NABUKO NG NBI NA IISA LANG ANG FINGERPRINT NI MAYOR ALICE GUO AT GUO HUA PING!

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Senadora Risa Hontiveros na tugma ang fingerprints nina suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ang Chinese National na si Guo Hua Ping.

Ayon kay Hontiveros, chairperson ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, ang pagkakapareho ng fingerprints nina Mayor Guo at Guo Hua Ping ay nanga¬ngahulugan lamang na iisang tao lang sila.

“This confirms what I have suspected all along. Pekeng Pilipino si “Mayor Alice” — or should I say, Guo Hua Ping. She is a Chinese national masquerading as Filipino citizen to facilitate crimes being committed by POGO,” sabi ni Hontiveros sa isang statement.

“Napakalaking insulto ito sa mga botante ng Bamban, sa mga institusyon ng ating gobyerno, at sa bawat mamamayang Pilipino,” dagdag pa niya.

Sabi ni Hontiveros, ito na ang pinakamabigat na ebidensiya para tanggalin bilang alkalde ng Bamban si Alice Guo. Dahil dito, nanawagan ito sa Office of the Solicitor General na bilisan ang paghahain ng quo warranto case laban kay Mayor Guo.

Pinasalamatan din ng senadora ang NBI, sa pamumuno ni Dir. Jaime Santiago sa mabilis nilang pagkilos sa kanyang kahilingan.

“This revelation is not the end. Guo Hua Ping, soon, we will know the full extent of your deception. Magpapatuloy ang aming imbestigasyon sa Senado. We will dig deeper and locate the systemic roots of our POGO problem,” saad pa niya.

Ayon sa Dactyloscopy Report ng NBI, identical ang fingerprint nina Alice Guo at Guo Hua Ping sa isinagawa nilang eksaminasyon at analysis.

“In view of foregoing, fingerprints of GUO HUA PING y LIN and fingerprints of GUO, ALICE y LEAL were affixed by one and the same person,” ayon sa report ni Alfredo Kahanding, chief ng Dactyloscopy Division ng NBI.

Nabisto ang tunay na pangalan ni Mayor Guo sa inaplayan na investor visa ng kanyang ina nang dumating ang pamilya sa Pilipinas kung saan 13-anyos pa lamang si Alice Guo.

MICHAEL DINGLASAN – HN INVESTIGATIVE REPORTER

Leave a comment