“Magagamot ng antibiotics ang Q fever”– DOH

Pinawi ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko laban sa Q fever bacteria na nakapasok na sa bansa dahil sa mga imported na kambing galing sa Estados Unidos.

Naglabas ng pahayag ang DOH ukol sa Q fever kung saan sinabi nito na bibihira lamang na may nangyaring human to human transmission ng naturang sakit.

Pero, karaniwan umanong nahahawa ng Q fever ang mga magsasaka at mga nag-aalaga ng hayop.

“It is a usually mild zoonotic disease found in animals that can be transmitted to humans, especially among farmers and animal handlers, who are in frequent contact with infected animals,” ayon sa DOH.

Nabatid na nararamdaman ang mga sintomas ng Q fever sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo matapos mahawa ng bakterya. Kabilang sa mga sintomas ang lagnat, pagkahapo, pananakit ng ulo, ubo, pagkahilo at pagsusuka.

Payo ng DOH na maaaring gamutin ang Q fever sa pamamagitan ng pag-inom ng antibiotics na mabibili sa bansa.

Una nang ipinahayag ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) na na-detect ang unang kaso ng Q Fever sa mga kambing na inangkat sa Amerika.

Kinatay na umano ang mga kambing matapos na magpositibo sa Q fever ang 19 na sample na sinuri ng mga awtoridad.

ANGHEL MIDRERO – NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment