HINDI KAKALAS SA PDP-LABAN SINA SEN. BATO DELA ROSA AT SEN. BONG GO DAHIL WALA SILA MAPUPUNTAHAN  

Walang balak si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na magbitiw bilang miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan o PDP-Laban.

Ito’y matapos niyang kumpirmahin na isang senador ang nagbabalak na kumalas sa partido at aanib sa administrasyon.

“Nababawasan na… Wala ako balak umalis, saan ako pupunta? Wala ako ibang pupuntahan,” pahayag ni Dela Rosa panayam sa DWPM.

Hindi naman pinangalanan ni Dela Rosa kung sinong senador ang bibitiw sa PDP-Laban kung saan tumatayong chairperson si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nang tanungin kung si Senador Francis Tolentino ang sinasabing magre-resign sa partido, sinabi ni Dela Rosa na, “Ask him [Tolentino], mahirap magsalita para sa kanya.”

Subalit pagtitiyak ni Dela Rosa, mananatili sila sa PDP-Laban kasama si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.

“Safe to say magkasama kami ni Sen. Go hanggang sa dulo, wala kami pupuntahan. Si Senator Tolentino, tanungin mo na lang siya ano plano. Ayaw ko magsalita para sa kanya, pero close pa rin kami, personal friends and we will be forever helping each other,” diin ng mambabatas.

Sina Dela Rosa, Go, Tolentino at Robin Padilla ang apat ng senador na kasapi ng PDP-Laban.

Si Padilla rin ay presidente ng partido.

ARVIN SORIANO (Ll.B) – NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment