“Itinuro ng mga nahuling hackers na ang umano’y editor ng Manila Bulletin ang nag-utos sa kanila”- NBI  

Itinuro umano ng isa sa tatlong indibidwal na inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang editor ng Manila Bulletin na nag-utos sa kanya para magsagawa ng hacking sa mga government at private website kabilang na ang mga bangko at Facebook accounts.

Iniharap ng NBI sa isang press conference sa Quezon City nitong Biyernes, Hunyo 21, ang tatlong suspek.

“Yung isa dito ay data officer ng Manila Bulletin. As a matter of fact, ang ina-allege niya base sa kanyang extrajudicial confession, ang may hawak sa kanya, at nag-uutos sa kanya mag-exploit ng mga system ay editor ng Manila Bulletin,” ayon kay NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lontoc

Hindi naman pinangalanan ang tatlong suspek na pawang nakatakip ang mukha nang iharap sa media. Gumagamit umano ang mga ito ng iba’t ibang alyas gaya ng “kangkong”, “Mirasol”, “Sibat”, “Ricardo Redoble”, at “Lulu”.

Ayon sa NBI sangkot ang mga suspek sa pag-hack ng mga government at private website simula pa noong 2016.

Mga miyembro rin umano ang tatlong suspek ng dalawang malalaking hacking group na Philippine Lulzsec and GlobalSec.

Natunton ng NBI ang galaw ng grupo dahil sa mga nakitang pattern at koneksiyon sa kanilang mga aktibidad online.

Samantala, pinapurihan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang NBI kaugnay sa naarestong mga suspek.

Sabi ng DICT, tutulungan nila ang NBI at magsisilbi itong technical consultants para mabuo ang kaso laban sa mga inaresto.

Ang DICT ay bahagi ng National Cybersecurity Interagency Committee na may mga working group kung saan nagpapasahan sila ng impormasyon tungkol sa mga ganitong kaso at tumutulong din sa mga law enforcement agency para makilala, mahanap, at mahuli ang pinaghihinalaang cybercriminals.

Naglabas naman ng pahayag ang Manila Bulletin ukol sa insidente kung saan may nadadawit na editor nila.

Ayon sa Manila Bulletin, ang organisasyon ay isang responsableng corporate citizen na sumusunod sa mga batas at inoobliga rin nitong sumunod dito ang kanilang mga tauhan.

“As a responsible corporate citizen, the Manila Bulletin has always adhered to the laws of the land and requires its employees to be law abiding. We expect our employees to be accorded their rights. We assure the public of Manila Bulletin’s utmost fidelity to the laws of the land,” sabi ng pahayagan.

ATTY EDNA B. DEL MORAL

Leave a comment