KINASUHAN NG ROBBERY EXTORTION AT ARBITRARY DETENTION ANG 2 OPISYAL AT 20 OPERATIBA NG DILG-SPG/RID

Nahaharap ngayon sa ‘hot water’ ang dalawang opisyal at halos 20 operatiba ng Department of Interior and Local Government ( DILG) Special Project Group at Regional Intelligence Division- Regional Special Operations Group makaraang maghain ng kasong kriminal ang abogado ng King and Queen Bar and Restaurant dahilan sa umano’y iligal na pagsalakay noong June 1,2024 sa lungsod ng Pasay.

Batay sa joint complaint affidavit na inihain ni Atty John Louie Cabral sa DOJ City Prosecutors’ Office sa Pasay City, mahigit 30 complainant na pinangungunahan ni Gilbert De Leon, Edgar Segismundo, Sonia San Pedro at iba pa, kasong paglabag sa Article 295(4) at Article 124 ng Revised Penal Code o robbery extortion, robbery with force upon thing (o pagnanakaw) at arbitrary detention ang isinampa laban kina P/Major Andres Dacquial IV; P/Capt./Atty Benjamin Jeptha L. Tan at tinatayang 20 ‘John Doe’ na nagpakilalang opisyal at miyembro ng Special Project Group at Regional Intelligence Division -Regional Special Operations Group (RID-SOG) ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Nakasaad sa reklamo ng ilang empleyado, noong May 31, 2024, bandang alas-10:30 ng gabi ay puwersahang pinasok ng raiding team na armado ng mga baril ang pinapasukan nilang establishment sa Kurobone kung saan naroon ang tanggapan ng nasabing resto bar.

Iginiit ng raiding team na nakatanggap sila ng impormasyon sa sinasabing nagaganap na ‘human trafficking’ sa loob ng establisimento.

Ngunit sa ginawang pagsalakay, pinutol nila ang internet connection ng opisina, saka pinadapa ang lahat ng empleyado at mga kostumer ng bar habang ang ilan sa kanila ay tinutukan ng baril.

Habang hinahalughog ang opisina ng ktv bar ay pinagkukuha umano ng mga operatiba ang mga gamit, bag, cellphone na pag-aari ng mga empleyado at mga customer at kinuha din umano ang vault ng opisina na naglalaman ng mahigit isang milyong piso.

Bukod dito, tinangay din ng mga operatiba ang mga alak, pagkain at lahat ng maaaring kunin sa loob ng naturang restobar.

Nabatid rin sa reklamo na mahigit isang araw na pinigil ng mga nagpakilalang ‘ DILG-SPG operatives ‘ ang tinatayang 80 empleyado at mga customers kung saan ay kinunan sila ng mug shots at finger print.

Nabatid kay Atty. Cabral na umabot ng mahigit anim na milyong piso ang halaga na nakuha ng mga operatiba,kabilang ang mga importanteng gamit na hanggang ngayon ay hindi na umano naibalik sa mga may-ari nito.

ARVIN SORIANO (Ll.B) – NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment