“Walang respeto sa pamahalaan ang POGO hub sa Porac”– PAMPANGA VICE GOV. LILIA PINEDA  

Binubusisi na ng Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga ang mga kakulangan ng lokal na pamahalaan ng Porac maging ang utilities companies para sa operasyon ng Lucky South 99 POGO sa kabila na kulang ito ng business permit at iba pang legal requirements.

Ayon kay Pampanga Vice Governor Lilia Pineda sa panayam ng Teleradyo Serbisyo, umaasa ang provincial board na matapos na ang mga pagdinig pagsapit ng Biyernes.

Ani Pineda, maaaring mapagsanib-pwersa ang mga resulta ng imbestigasyon at ng law enforcement agencies na kasalukuyang naggagalugad pa rin sa 10 ektaryang complex kung saan nagaganap ang pagto-torture, human trafficking at pangi-scam.

“Para silang pumasok na wala silang pakialam, walang respeto sa gobyerno,” pahayag ni Pineda, dating provincial governor, kung saan ang Lucky South 99 ay wala umanong business license, Philippine Offshore Gaming Operator license at building at electrical permits.

“Wala lahat sila. Zero,” aniya.

Nais ding pagpaliwanagin ni Pineda ang power at internet providers ng naturang compound kung bakit nabigyan pa rin nila ito ng serbisyo kahit kulang sa mga dokumento.

“‘Yung dawala na lang na ‘yun eh. Kung nagtingin lang sila — meron ‘yang teamwork — hindi yan makakapag-operate,” ani Pineda.

Ang Lucky South 99 ay nag-ooperate mula pa noong 2019 na posibleng dahilan kung bakit nagkulang sa on-site inspection para rito dahil sa pandemic lockdowns.

Sa kabila nito, sinabi ni Pineda na hindi ito maituturing na “excuse.”

“Madali naman makita ‘yan, hindi naman nakatago,” aniya.

Samantala, kinondena ni Porac Mayor Jing Capil ang mga illegal na aktibidad ng POGO hub at sinabing pinagbawalan ng kompanya ang inspection team sa pagpasok sa compound.

Idinagdag ni Pineda na nais din nilang alamin mula sa Department of Labor and Employment, Philippine Health Insurance Corp., Social Security System at Pag-IBIG Fund kung nagreremit ang kompanya ng mandatory contributions sa mga manggagawa nito.

Aniya, ang mga findings sa administrative at criminal liabilities sa operasyon ng Lucky South 99 ay magdudulot ng total closure sa compound.

“Hindi na talaga siya makaka-apak sa — hindi lang sa Pampanga — sa buong Pilipinas.”

BECCA DANTES – NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment