“Mga kriminal magsitago na kay Jimmy Santiago”– SEN. BONG REVILLA

Nagbabala si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na magtago na ang mga kriminal dahil hindi sila titigilan ng bagong National Bureau of Investigation (NBI) chief na si Jaime “Jimmy” Santiago.

Hinirang ng Malacañang si Santiago bilang kapalit ni NBI Director Medardo De Lemos at nanumpa na ito kay Executive Secretary Lucas Bersamin.

Sinabi ni Revilla na makakaasa ang lahat sa kakayahan at integridad ni Santiago.

Itinuturing ng senador na “very good choice” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Santiago bilang NBI chief.

“Magtago na mga kriminal at hindi sila titigilan ni Santiago. I can vouch for him,” ani Revilla.

Noong 1996, isinapelikula ang buhay ng bagong NBI chief na pinamagatang “SPO4 Santiago: Sharpshooter” at ginampanan ito ni Revilla.

Kaya natutuwa umano ang senador sa bagong yugto ng buhay ni Santiago bilang pinuno ng NBI.

Samantala, kasunod ng kanyang panunumpa bilang NBI director, inihayag ni Santiago na target niya ang pagsugpo sa talamak na gawain ng mga cybercriminal at scammer.

MICHAEL DINGLASAN – HN INVESTIGATIVE REPORTER

Leave a comment