LUSUTAN NG CHINESE NATIONALS ANG CLARK AIRPORT

Ginagamit umanong entry at exit points ang Clark International Airport sa Pampanga ng mga sindikatong Chinese na sangkot sa mga scam farm sa Central Luzon.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, itinayo ang scam farm sa Bamban, Tarlac dahil malapit lang ito sa Clark Airport. Ang nagpapatakbo umano sa Bamban ay pareho lang ng nagpapatakbo sa ni-raid na illegal POGO sa Porac, Pampanga.

“Malapit lang ito kaya merong link ang itong dalawang POGO at meron din kaming naobserbahan na tinitignan namin ang mga kagaya ‘yung si Huang Zhiyang. Ito ang pugante na mastermind ng POGO sa Bamban at nakita rin namin ang pa¬ngalan n’ya sa iba’t ibang POGO dito. Kadalasan lumalabas at pumapasok sya sa Clark Airport at doon ang kanyang kumbaga point of entry at point of exit,” wika ng senador sa interview ng DWIZ nitong Sabado.

“Ganun din si Guo Jian Zhong, ‘yung tatay ni Alice at nakita namin ‘yung Clark very convenient papasok at palabas pero nagagamit din as point of entry and exit nitong mga sindikatong ito. At kung titignan natin karamihan ng mga POGO na na-raid lately sa Tarlac, sa Pampanga, sa loob ng Clark lahat around the Clark Airport. So ang initial pa lang ito, pero sa aking¬ opinyon, nagagamit ang Clark Airport ng mga ganitong elemento sa pagpasok dito sa ating bansa at pages-setup sa POGO,” dagdag ng senador.

Nilinaw ni Gatchalian na hindi niya hinihiling na iimbestigahan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang paliparan dahil nakatutok sila sa suspendidong Bamban, Mayor Alice Guo.

“I’m sure pinag-aaralan nila ‘yan at tinitignan nila ang sitwasyon na ito at dapat lang ilagay natin sa isip itong ganitong pattern na nakita natin,” dagdag ng senador.

Wala pang pahayag ang pamunuan ng Clark airport gayundin ang Bureau of Immigration sa naging pahayag ni Gatchalian.

MICHAEL DINGLASAN – HN INVESTIGATIVE REPORTER

Leave a comment