HINAMON NG AFP ANG 2 CHINESE WAR SHIP NA TUMAWID SA BASILAN STRAIT  

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagtawid ng dalawang People’s Liberation Army (PLA) navy vessels sa loob ng Zamboanga Peninsula, bagay na inisyuhan ng “standard challenge” ng militar.

Ayon sa state-owned media, na-monitor ng Naval Forces – Western Mindanao aang isang training ship at amphibious transport dock na dumaraan sa Basilan Strait

“In accordance with standard operating procedure, the AFP dispatched BRP Domingo Deluana (PG-905) to shadow/monitor the passage of the two PLA Navy vessels,” sabi ng AFP sa isang pahayag ngayong Biyernes.

“Our escorting vessel also issued a standard challenge to the Chinese warships.”

Wala pa namang pahayag ang Embahada ng Tsina sa Maynila tungkol dito.

Kahapon lang nang mag-post ng video ang Facebook page na 7000 tungkol sa tatlong PLA Navy vessels na namataan kahapon malapit sa Pilas Island ng Basilan, dahilan para mabahala ang ilang Filipino netizens.

https://www.facebook.com/Makeit7000/videos/695076612716491/?ref=embed_video&t=53

Sinasabing nakuha ng page ang naturang footage sa isang intelligence source.

“Among the spotted ships were the Duludao-class dispatch ship ‘Dong-Jiao 93’ of the PLA(N) East Sea Fleet,” wika ng page.

“Said ship was escorted with a Type 071 amphibious transport ship ‘Jinggang Shan’ with pennant number 999, and one other similar ship from the PLA(N).”

Sa kabila nito, inilinaw ng AFP na sumagot sila ng isa sa mga naturang barko at tiniyak na walang kakaiba sa kanilang pagtawid sa dagat.

“One of the vessels, Qi Jiquang (BN-83) responded that it was conducting normal navigation from its last port of call in Dili, Timor Leste en route to Dalian, China,” banggit ng AFP.

Kinikilala ang Basilan Strait bilang isang international sea lane, lugar kung saan pinapayagan ang “innocent passage” ng mga barko mula sa ibang bansa.

Mahaba ang kasaysayan ng Tsina sa panghihimasok sa mga katubigan ng Pilipinas gaya na lang ng West Philippine Sea, ito’y kahit nasa loob naman ito ng exclusive economic zone ng Maynila.

Patuloy na hindi kinikilala ng Tsina ang 2016 decision ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na siyang bumabalewala sa claim nito sa halos kabuuan ng South China Sea — lugar kung saan matatagpuan ang West Philippine Sea.

Bagama’t pinaboran ng international tribunal ang Pilipinas dito, patuloy ang pag-ikot at pagkontrol ng Beijing sa ilang features sa loob nito.

Humantong na ito sa ilang radio challenges, pambobomba ng tubig, pamamangga at pangle-laser laban sa mga Pilipino.

ARVIN SORIANO (Ll.B) – HN NEWS CONTRIBUTOR

Leave a comment